Kamusta Haiyan?
Dalawang taon matapos kang lumisan, ramdam pa rin ang taglay mong lakas. Pawang halik ng kamatayan ang pagdating mo sa mga baybayin. Sa libu-libong puno ng niyog na iyong pinatumba, ilang pamilya ang iyong ginutom and patuloy na ginugutom. Sa tuwing natatahak ko ang paligid ng mga bundok na pansamantalang nagharang sa iyo, sadyang nangungusap ang mga ito, kasama ng mga natirang puno ng niyog: "Ang kalipunan ng mga puno ay hindi nangangahulugang gubat."
Maraming nawalan ng mahal sa buhay, marami pa ang hindi nakikita ang kanilang ka-anak --- hindi nayakap, hindi nakahingi ng tawad, hindi nakapagpaalam --- sa huli nilang pagkikita, pagkikipag-usap o pakikipag-alitan. Ngayon ay nananatiling balisa kung tatanggapin ba ang binubulong ni Hades o mananalig pa kasama ni Pag-asa.
Libu-libo ang naninirahan na halos walang seguridad maliban sa pinagdugtong na tarpaulin o natagping kumot sa mga pansamantalang ngunit tila permanenteng sitio. May ibang nagbakasakali sa pagtatayo ng maliit na tindahan. Pero minsan napapaisip ako: Kung lahat sa sitio'y walang trabaho --- maliban siguro sa panaka-nakang construction mula sa naglalakihang organisasyon --- at ang karamihan ng nagbakasakali ay nagtatayo ng tindahan, ano ang maaaring asahan?
Totoo may mga nagsama-sama at nagtulungan sa pananalasa mo. Maraming biyaya at aral ang nahulog na parang manna mula sa langit. May pagkain, tubig, binhi, bangka at sa ilang lugar, bahay. Ngunit marami pa rin ang patuloy na nagutom, nauhaw, nakaranas ng karahasan, at nabaliw. Ilan kaya ang nanahimik, imbis na magsuplong sa mga marahas na katuwang o mapagsamantalang kamag-anak? Ilan kaya ang nag-nais na ibalik ang panahon at iwasan nang tuluyan ang isang namumuong bunganga sa sinapupunan? Ilang mangisngisda ang gabi-gabing nagdarasal na sana marami pang patubig, palikuran at kalsada ang kailangang itayo, para lamang mailayo sila sa muling pag-asa sa paglalayag.
Ang pagsipol ng hangin ay ngayo'y may ibig ng sabihin. Ang kidlat ay hindi lang naghuhudyat ng kulog. Ang ulan ay pagbabadya, nagpapaalala sa iyong bagsik na nagsimula sa tila inosenteng ulan. Marahil ang kahandaan ng mga tao ang isa sa naidulot aral, isang napaka-pait na aral.
May mga organisasyon ka ring binuhay. Ilan dito ay napag-iwanan na ng panahon at naghihingalo. Ang iba nga ay sadyang pasara na. Dahil sa iyo, ilang proyekto at trabaho ang nalikha. Ngunit marami rin ang pagkakataon kung saan nanaig ang kalituhan, pag-mamarunong, pag-aaway-away, pananamantala at oo, pagwawaldas ng salapi at tulong na dapat sanang naiparating sa mga sadyang nasaktan mo. Ilang beses rin ako napaisip: Ano ang pagkakaiba ng ganid ng sadyang mapagsamantalang politiko at pulitikal na mga pamilya, sa paggamit ng kapangyarihan ng ilang taong ipinagkalooban ng tulong na laan para sa iyong nasalanta?
Wala akong sagot sa mga ito kung hindi maging mapagmatyag, maglahad sa templo at paminsan-minsan sumasangguni sa orakulo, sa mga kaluluwang nanatiling tapat, matulungin, makatao, sa mga nangangahas maglayag, magtanong at matuto, imbis na manatili sa pampang na pinamumugaran ng pangamba, panggigipit, kahunghangan at kataksilan.
Hindi ko alam kung ikaw ay gugunitain pa rin sa susunod na taon. Gayun pa man, salamat na rin sa pagkakataon ng pagninilay at pagkakatuto. Sana'y maghilom nang tuluyan ang mga sugat, na patuloy na naninisnis at nauungkat, sa pagkabigo na iparating ang iyong natitirang konsuelo.